Pastoral Letter on Death Penalty

0
806

end-death-penalty-day

HINDI AKO NAGAGALAK KUNG MAMAMATAY ANG ISANG NAGKASALA”

(Sulat Pastoral ng mga Obispo sa Bikol tungkol sa parusang-bitay)

Sabihin mong ipinasasabi ko na Ako, ang Panginoon, ang buhay na Diyos, ay hindi nasisiyahan na ang sinuma’y mamatay sa kanyang kasamaam; sa halip nais Kong siya’y magbagong buhay. Sabihin mo nang magbagong buhay sila pagkat di sila dapat mamatay sa kanilang kasamaan(Ez. 33,11)

Ang mga salitang ito ng Panginoon ay hango mismo sa Banal na Kasulatan, sa libro ni Propeta Ezekiel, mga salitang isinagot ng Panginoon sa isang taong nagtanong, o baga man nangsisisi, kung bakit kailangan niyang mamamatay ng dahil sa kanyang pagkakasala. Hindi, ang Panginoon ay hindi nagagalak sa kanyang kamatayan. Hindi Niya pinaparusahan ang tao upang makaganti at ipakita o iparamdam ang kanyang poot. Kung siya man ay magparusa sa mga taong hindi nagbabago, yaon ay hindi upang kanyang ikagalak, kundi dahil siya ay makatarungan. Dito natin makikita ang malaking pagkakaiba ng isip ng tao sa kalooban at pagnanais ng Diyos. Ang tao ay natutuwang magsabi, “Ayon sa batas, dapat na batuhin hanggang mamatay” (Jn 8,7) o kaya sumigaw “Ipako siya sa Krus” (Mk. 15,13). Subalit ang Mahal na Diyos sa kanyang pagiging maawain at pagiging mapagmahal ay higit na natutuwa pang magsabi, “Hindi rin kita hahatulan. Humayo ka at mula ngayon ay huwag ka ng gumawa ng kasalanan” (Jn 8,11) o kaya “Tayo ay magalak! Dahil sa ang anak kong ito’y patay na, subalit ngayon’y muling nabuhay; siya’y nawala at nasumpungan!” Lk 15, 23-24)

Kailangang balik-balikan at ating pagnilayan ang mga turong ito sa biblia lalong lalo na sa mga panahon ngayon sapagkat ipinagpipilitan ng gobyerno, sa pangunguna ng ating Presidente at mga kongresista, na isabatas na ang parusang-bitay (death penalty) sa mga karumal-dumal na mga krimen. Hindi na nakakapagtaka na ang hakbang na ito ay siya na namang pinag-uusapan at pinag-aawayan ngayon sa ating bansa. At dahil sa ito ay isang usaping may kinalaman sa kung ano ang mabuti at masama (moralidad) at ito ay may kaugnayan sa ating pananampalataya tungkol sa halaga at dignidad ng buhay ng tao, dapat lamang at napapanahon na ang simbahan ay makialam, makisama sa pag-uusap at magpahayag ng kanyang mga turo.

Sinasabi sa Katekismo ng Katolikong Simbahan, kung mayroon lang naman na tama at hindi madugong pagtatanggol sa buhay ng tao laban sa mga kriminal o sa pananatili ng katahimikan at kahusayan (tulad na lamang ng habang-buhay na pagkulong), ito ang dapat na ipatupad ng mga kinauukulan dahil sa ito ang nararapat sa kabutihan ng lahat at tama sa dangal ng tao (cf. CCC, n. 2267). Kaya ang parusang-bitay magiging angkop lamang kung wala ng ngang ibang natatanging paraan upang isakatuparan ang pagnanais na ito. Subalit, sino baga sa atin ang makakapagsabi na sa ngayong panahon ay walang-wala na ngang ibang mabisang paraan, na kailangan na nga bang patayin ang isang kriminal? Halos wala na ngang katulad na sitwasyon na kailangan pa ang kamatayan bilang parusa sa krimen (cf. EV, n. 56). Kaya kung ipagpipilitan na patayin na an kriminal, na may ibang paraan pa naman pala upang siya ay karapat-dapat na parusahan, ito ay masama at mali.

Bakit ganito ang turo ng simbahan? Una, dahil sa ang buhay ng tao – kahit ninuman, mabuti man o kriminal – banal (sagrado); dahil sa ang buhay walang katumbas na halaga, hindi pwedeng pabayaan, hindi rin pwedeng ipahiram, hindi pwedeng palitan. Banal dahil ang buhay ay isa lamang at yan ay galing sa Mahal na Diyos na siyang naglalang. Kaya kung ang Mahal na Diyos ang nagbigay, Mahal na Diyos lamang din ang may karapatang bawiin yan. Walang karapatan ang tao na sirain ang buhay ng kanyang kapwa. Ito ang dahilan kung bakit ipinagbabawal ang pagpatay sa ika-limang utos ng Diyos.

Ikalawa, ng dahil sa ang Panginoon ay puspos ng kabutihan at habag, banayad sa pagkagalit at sagana sa kagandahang loob (Ps. 103,8). Tunay na ang Panginoon ay matuwid at marunong magparusa, gaya ng ating nabanggit – subalit iyan ay higit na nakikita lamang sa ikalawang buhay, sa panahon ng paghuhukom at sa kanyang ikalawang pagdating (cf. Mt. 7:13-23). Sa buhay na ito, marami ang pagkakataon na ibinibigay sa atin ng Panginoon na magsisi, na magbagong buhay at magbalik loob sa kanya, na siyang panawagan sa isang taong nagkasala, krimen man yaon o maliit na pagkakamali. Hindi ba’t ito ang ipinapaalala sa atin ngayong panahon ng Adviento?

Kasama rin sa turo ng Simbahan, ang marami pang dahilan kung bakit hindi dapat nating pahintulutan ang parusang-bitay. Una, hindi naitatama at naiwawasto nang isang mali ang isa nang pawang pagkakamali. Ang masama ay naiwawasto sa pamamagitan ng isang mabuting gawa lamang. Ang pagpatay, lalong higit kung ito’y maiiwasan din lamang, walang maitatama, walang mapapabuti, kundi ito ay sumisira pa ng buhay na pwede pa sanang pagbutihin at tuwirin.

Mabisang pag-iwas o pagpigil ng krimen, na ang kriminal ay hulihin at parusahan sa bilangguan. Kung tutuusin, ang bitay ay walang tamang-dahilan na layunin. Ang layunin ng pagparusa ay dalawa: a) na maibalik ang kaayusan (retribution) at b) ang pagbabago ng buhay ng kriminal. Kung kaya magtatanong tayo kung paano naibabalik ng bitay ang kaayusan, samantalang ang buhay ng biktima ng krimen ay hindi na rin naman naibabalik dahil sa pagkamatay ng kriminal? Gayundin naman, paano naman magbabago ang kriminal kung siya naman ay papatayin? Magsasabi ang iba na ang kamatayan ng kriminal ay hustisya para sa biktima. Bakit, ang matuwa ba sa kamatayan ng isang tao, kriminal man o hindi, iyon na ba ang tinatawag na hustisya? O dili kaya ito pag-ganti lamang na may poot (venganza)? Hindi ba’t tama, na ang sukatan ng hustisya ay maikulong ang kriminal, alisan ng kalayaan at parusahan ng kalungkutan sa bilangguan habang-buhay, samantalang ang mga ito rin ay pagkakataon din ng pagsisisi at pagbabago para sa kanila?

Dito natin makikita na ang pagbitay ay hindi sa kristyanong paraan upang labanan ang krimen. Kung sa lumang tipan ay para bagang pinahintulutan ang pagpabuhos ng dugo sa pagparusa (Gn 9,6), at sinusunod pa ang tinatawag na lex talionis (“mata sa mata, ngipin sa ngipin” – Ex. 21,21), ito ay hayagang tinanggihan ng Panginoon, Siya na nagturo ng pagpapatawad noong siya mismo ay tumanggap ng parusang-bitay sa krus (cf. Lk 23,24).

May mga nagsasabi na ang bitay daw ay nakakapaghadlang sa paggawa ng krimen (deterrent), at ng dahil dito ay nababawasan na din daw ang mga gumagawa ng krimen. Subalit ito ay hindi pa lubos na napapatunayan. Hindi lahat ng kriminal ay natatakot mabitay, dahil sa, una, ang krimen ay nagagawa ng palihim, at ikalawa ang krimen at kaparusahan ay natatakbuhan. Hanggat may galit at poot, kahalayan at masamang ugali ang tao, hindi mawawala ang krimen, kahit na may parusang-bitay.

Totoo, siguro marami na ang nawawalan ng pag-asa na mangingibabaw ang hustisya, lalo’t higit ng dahil sa maraming mga kriminal pa ang hindi napaparusahan, tulad na lang ng mga nasa kapangyarihan at mga mayayaman sa lipunan. Tunay nga, sa ating bansa nabibili ang “hukom”. Bukod pa dito, dumarami pa ang krimen. Ito siguro ang isa sa mga dahilan kung bakit dumarami din ang sumasang-ayon sa parusang-bitay. Subalit an kakulangan ng hustisya ay sya pa ngang dahilan kung bakit hindi dapat pahintulutan ang parusang-bitay, sapagkat kadalasan, ang mga mahihirap, kung hindi man ang mga inosente, ang mga walang kapangyarihan, yaon ang mga napaparusahan na bitayin.

Kung kaya ang nakikita nating sagot sa krimen ay hindi ang parusang-bitay, kundi ang pagsasaayos ng sistema ng hustisya at sistema penal o ng pagparusa, ang mabisang pagpapatupad ng batas (law enforcement), at ang pagsupil ng ugat ng krimen – isa na nga dyan ang labis na kahirapan at kadukhaan.

Sa ating hindi pag-sang-ayon sa parusang-bitay, huwag nating kalimutan ang mga biktima ng krimen. Sila ang dapat na una nating kaawaan at tulungan. Ang pagtanggi sa bitay ay hindi pagpapakita ng pagkampi sa mga kriminal at pagpahintulot ng krimen na dapat ngang bigyan ng kaparusahan sa tamang pamamaraan, kundi pagkilala ng dangal ng tao at ng pagiging sagrado ng buhay ng tao. Ang unang dapat na mangibabaw ay ang dignidad ng mga biktima at ng kanilang mga pamilya. Sila ay kailangang tulungan na makabangon, na makabawi sa anumang nawala sa kanila lalong-lalo na ang kanilang dangal, na mailayo sila sa anumang kapahamakan ng krimen, at magkaroon ng kapayapaan na bunga ng pagpapatawad.

Sa mga nagsusulong na mangyari ang parusang bitay, ito ang ating masasabi sa kanila: “Ang sino man sainyo ang walang kasalanan, ang siyang maunang bumato sa kanya” (Jn 8,7). Gayundin sa mga kriminal, nararapat lamang na ulitin natin ang mga sinabi ng Panginoon: “Hindi ko rin ikaw hahatulan. Humayo ka at huwag ka ng muling magkasala” (Jn 8,11). At sa mga biktima ng krimen: “Magpatawad…. Hindi lamang pitong beses, ngunit pitumpo’t pitong beses” (Mt 18,22)

Maliwanagan nawa tayong lahat tungkol sa usaping ito, lalong higit yaong nasa kapangyarihan, dahil sa kanilang mga kamay nakasalalay ang buhay ng tao. Hilingin natin ang liwanag ng Espiritu Santo upang mabanaagan natin kung ano ang tama at mali, ang mabuti at ang masama. Sa panahong ito ng Adviento, manalangin tayo, “Halina Panginoon sa pagliligtas sa amin, halina at tulungan mo kami.”

Kasama ng mga Obispo ng Bikol,

+ROLANDO J. TRIA TIRONA, OCD, DD